PatrolPH

Magkakapatid na suspek sa pagpatay ng bata sa Bacoor, sumuko na

Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Posted at May 27 2021 08:06 PM

MAYNILA — Sumuko na ang tatlong magkakapatid na suspek sa pagpatay sa isang 12 anyos na lalaki sa sa lungsod ng Bacoor, Cavite.

Makalipas ang siyam na araw mula nang napatay ang bata na si Prince Louis Albaniel, nakapiit na sa kulungan ang mga suspek.

Ginilitan din diumano ng mga suspek ang 14 anyos na kaibigan ng biktima.

Ayon sa pinakabatang suspek, nag-iinuman silang magkakapatid noong May 17 at pauwi na sana sila nang madaanan nila ang dalawang biktima. 

Sinita raw niya ang dalawang binatilyo kung bakit nasa labas pa sila. Nagalit daw ang dalawang biktima at pinagmumura siya kaya uminit ang ulo niya at sinaksak ang magkaibigan. 

Unang ginilitan ang kaibigan ng nasawi, pero si Albaniel ang napuruhan ng suspek.

Nang tumakas siya, inabutan umano niya ang dalawa niyang kuya at naisip nilang tatlo na lumayo. Mula noong gabi na iyon hanggang hapon ng May 18, ay naglakad lang daw silang magkakapatid hanggang makarating sa bundok.

Sinisi umano siya ng kaniyang mga kuya at sinabing kailangan nyang sumuko. Pero dahil ayaw niya, inabot sila ng ilang araw sa bundok hanggang makipag-ugnayan sila sa kanilang ina at humingi ng tulong sa kaibigan nilang barangay chairman ng Niyog-3.

Humingi ng tawad sa pamilya ang mga suspek pero hindi kumbinsido ang nanay ng biktima na si Vangie Albaniel sa mga sinabi ng magkakapatid. 

Ayon kay Vangie, hindi niya mapapatawad ang magkakapatid. Na-inquest na ang tatlong suspek at nakapiit sa kulungan ng Bacoor PNP.

Nakatakdang kasuhan ang mga suspek ng murder, frustrated murder, at robbery dahil nawawala ang cellphone ng 12 anyos na biktima at hinihinalang kinuha rin ng magkakapatid. 

KAUGNAY NA BALITA

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.