PatrolPH

Korean embassy may donasyong food truck sa PH Red Cross

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at May 27 2021 07:25 AM

Nagpasalamat si Philippine Red Cross (PRC) chairman Sen. Richard Gordon sa embahada ng Korea sa ibinahagi nitong food truck sa kaniyang ahensya kamakailan. 

Ayon kay Gordon, malaki ang maitutulong ng food truck upang mabigyan ng masustansya at mainit na pagkain ang mga naapektuhan ng kalamidad at iba pang krisis sa bansa. 

Mismong si Korean Ambassador to the Philippines Inchul Kim ang nanguna sa turnover ceremony PRC headquarters sa Mandaluyong.

Kumpleto ng kitchen equipment ang truck na kayang maghanda ng pagkain para sa 800 tao sa 8 oras na operasyon nito.

Ayon kay Kim, ikinagagalak ng Korea ang pakikipagtulungan sa PRC, habang tiniyak naman ni Gordon na makikinabang ang mga pinakanangangailangan sa ibinigay na donasyon ng Korea.

Sa ngayon, may 15 food truck na ang PRC sa Metro Manila, Nueva Ecija, Iloilo, Davao City, at Bacolod.

Dati na ring nagtulungan ang Korean Embassy at PRC para mapunan ang mga pangangailangan ng mga naapektuhan ng Marawi siege noong 2017, pagputok ng Mayon Volcano noong 2018, Bagong Ompong noong 2018, mga paglindol sa Mindanao noong 2019, at pagputok ng Taal Volcano at Bagyong Rolly noong 2020.

“Bayanihan is at the heart of Korea’s assistance for the Filipino people, in particular for those affected by natural disasters or in predicament,” pahayag ni Kim.

“Korea is glad to partner with the Red Cross in implementing its various humanitarian assistance efforts in the Philippines.” 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.