PatrolPH

Kapitan ng Barangay Matandang Balara sa QC handang maaresto kung kasama si Pumaren

ABS-CBN News

Posted at May 27 2021 05:25 PM

MAYNILA - Handang mahuli ng mga awtoridad ang barangay chairman ng Matandang Balara sa Quezon City sa kondisyong kasama dapat maaresto ang konsehal na si Franz Pumaren.

Ito ay matapos maiulat ang kaguluhan sa dinagsang pila ng charity event na pinangunahan ni Pumaren, konsehal sa District 3 ng QC.

"Handa akong maaresto, basta kasama kong maaaresto si Councilor Franz Pumaren kasi siya ang nag-organize no'ng pantry na iyon," ayon sa chairman na si Allan Franza.

Sinabi ito ng barangay chairman matapos ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na aarestuhin ang mga barangay official na aniya'y pabaya, kasabay ng insidente ng mga mass gathering sa mga nakalipas na araw. 

Maaalalang ipinatawag ng alkaldeng si Joy Belmonte si Pumaren sa umano'y paglabag sa health protocol ng food distribution activity na inorganisa nito kamakailan. 

Para kay Belmonte, kung organisado, planado at nakipag-ugnayan nang mabuti sa kanila ang kampo ni Pumaren, hindi sana mangyayari ang kaguluhan sa pila.

Aabot umano sa 6,000 ang pumila sa community pantry ni Pumaren, na dating coach at professional basketball player. 

Sa community pantry na isinagawa noong Mayo 25, makikitang nagsialisan umano ang tao sa pila nang umulan. 

Pero pagbalik ay naging magulo na ito, at nawala na ang social distancing at hindi na nasunod ang mga health protocols.

Dahil dito, nagsimula na sa contact tracing ang mga health personnel sa naturang barangay, kung saan naka-PPE ang mga ito.

Tugon ni Pumaren sa pahayag ni Franza: "Kung talagang may nilabag daw siya, wala siyang magagawa. Pero iginigiit pa rin niya na serbisyo publiko ang kanyang ginawa dahil tungkulin daw niya ito sa mga tao." 

Sinagot na ni Pumaren ang show cause order na pinadala ni Belmonte, aniya.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

KAUGNAY NA VIDEO: 

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.