Higit 100 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Taguig

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at May 27 2021 06:38 AM | Updated as of May 27 2021 11:15 AM

Watch more on iWantTFC

Makalipas ang apat na oras ay idineklara nang fire under control ang sunog na sumiklab sa isang residential area sa Barangay Tanyag, Taguig nitong Huwebes.

Batay sa paunang ulat mula sa Bureau of Fire Protection Taguig, ala-1 ng madaling araw nang sumiklab ang apoy sa bahay ng isang pamilya Briones. 

Agad itinaas sa ika-3 alarma ang sunog matapos kumalat sa halos 50 katabing bahay sa lugar. Pawang gawa sa mga kahoy ang mga bahay.

Alas-4 ng madaling araw nang ideklarang fire under control ang sunog. 

Nagkaroon din ng problema sa suplay ng tubig dahil natsempuhan pang may ipinapatupad na water interruption.

Ayon kay Ricardo Bala Nueco, barangay ex-o, kinailangan nilang tumawag sa water concessionaire para mapakiusapang buksan ang water suplay. 

Tintayang nasa mahigit 100 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog. Isang lalaki naman ang nilapatan ng paunang lunas matapos makuryente sa kasagsagan ng sunog.

Inihahanda na ng barangay ang covered court at iba pang lugar na maaaring pansamantalang tuluyan ng mga apektadong pamilya.

Iniimbestigahan pa ang pinagmulan ng sunog habang tinatayang nasa P500,000 ang halaga ng natupok.