PatrolPH

Duterte pinaaaresto ang barangay chairman kung saan may mass gathering

ABS-CBN News

Posted at May 27 2021 07:12 PM

Watch more on iWantTFC

Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pulis na arestuhin ang mga chairperson ng mga barangay kung saan may nangyayari aniyang mga paglabag sa health protocol gaya ng mass gathering.

Ito ay matapos mai-report sa kaniya ni Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año sa pulong sa Malacañang noong gabi ng Miyerkoles ang ilang insidente ng mass gathering sa Caloocan, Quezon City at Bulacan.

Maaari kasi umanong maging superspreader event o sanhi ng pagkalat ng COVID-19 ang mga insidente.

"'Pag may isang, one single incident beginning tonight, the police will arrest the barangay captain, together with... mga nagpi-picnic diyan, silang lahat, have them investigated," sabi ni Duterte.

Dereliction of duty o kapabayaan sa pagtupad ng tungkulin ang maaari umanong ikaso sa mga chairperson, ani Duterte.

Bukod sa mga pinuno ng barangay, nais rin ni Duterte na mapanagot sa batas ang mga sumusuway sa health protocols gaya ng mga sumasama pa rin sa mga pista, nagtutupada at iba pang uri ng mass gathering.

"Binabalewala ninyo ang pakiusap ng gobyerno and it's criminal for you to get the COVID and pass it on to another innocent person," sabi ni Duterte.

Ayon naman kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, puwede silang makasuhan ng reckless imprudence, isang bagay na sinang-ayunan din ng pangulo.

Samantala, hindi naman aalma si Chairman Allan Franza ng Barangay Matandang Balara, Quezon City sakaling arestuhin siya dahil sa pagdagsa ng mga tao sa pamamahagi ng ayuda ni Councilor Franz Pumaren noong Mayo 25.

"Handa akong maaresto, basta kasama kong maaaresto si Councilor Franz Pumaren kasi siya ang nag-organize no'n," ani Franza.

Depensa naman ni Pumaren, kailangan pang magsagawa ng imbestigasyon ng mga awtoridad, lalo't hindi naman "recreational event" ang pinangunahan niya kundi ayuda.

Sa Bulacan, pinakakasuhan ng provincial police office ang 24 barangay officials sa Matictic sa Norzagaray dahil sa nangyaring pag-swimming ng mga tao sa Bakas River at pangongolekta ng P20 entrance fee sa mga turista.

Sa panayam ng Teleradyo, sinabi ni Año na handa ang mga pulis na hulihin ang mga lalabag sa quarantine protocols.

Sa ilalim aniya ng batas, maaaring madetene sa loob nang 12 oras ang isang barangay chairperson at kailangan siyang masampahan agad ng kaso kung kinakailangan.

Posible rin siyang mapatawan ng preventive suspension habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Pero nilinaw ni Año na dadaan naman sa proseso bago hulihin ang kapitan.

Pag-aaralan naman ng Department of Justice ang mga legal na basehan ng utos ng pangulo at kung puwedeng papanagutin ang mga lumalabag sa health protocols sa reckless imprudence.

Samantala, nagpaalala naman ang Commission on Human Rights sa gobyerno na kung may pag-aresto man, dapat sundin pa rin ang rule of law at pagrespeto sa karapatang pantao.

-- Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.