PatrolPH

COVID-19 cases tumataas sa ilang rehiyon sa Visayas, Mindanao: DOH

ABS-CBN News

Posted at May 27 2021 07:52 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Nakita ng Department of Health ang pagtaas ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa ilang rehiyon sa Visayas at Mindanao habang bumabagal naman ang pagdami ng mga kaso nito sa Kamaynilaan at sa iba pang high-risk areas. 

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, kasama sa mga lugar kung saan tumataas ang kaso ang Region 6, Region 9 at Region 10. 

"Region VI ang may pinakamabilis na pagtaas lalong-lalo na po ang siyudad ng Iloilo at ganoon din po sa Mindanao, Regions IX and X ang may pinakamalaking itinaas habang tumataas rin ang mga natitirang rehiyon," ani Duque. 

Sa Iloilo City, umaabot na sa 74 kawani ng city hall ang nagpositibo sa COVID-19. 

Dahil dito, nagpaalala ang DOH na siguruhing maayos ang lugar na pinagtatrabahuhan ng mga tao.

"In our workplace and establishments, kelangan po talaga 'yung safety protocols. Andoon 'yung minimum public health standards pero alam natin isang mahalaga lalo na kung indoor establishments 'yan is the ventilation, non-congregation lalo na 'pag break time, meal times... Alam ko nag-aambag na tayong lahat eh. Pero konting tiis pa," ani DOH Epidemiology Bureau officer in charge Dr. Alethea De Guzman. 

Sa ngayon, nasa 1,049 ang average na mga kaso sa Metro Manila nitong mga nakaraang linggo. Matatandaang dating nagkaroon ng surge sa Kamaynilaan at karatig-lugar - dahilan para higpitan ang lockdown nang ilang buwan. 

Target ng DOH na mapababa pa ang kabuuang kaso sa Metro Manila sa 500 na hindi nalalayo sa bilang ng mga naitatalang kaso bago ang surge. 

— Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.