PatrolPH

Alkalde sa Oriental Mindoro nagpositibo sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at May 27 2021 11:28 AM | Updated as of May 27 2021 01:55 PM

NAUJAN, Oriental Mindoro— Nagpositibo sa COVID-19 ang alkalde ng Naujan, Oriental Mindoro na si Mark Marcos, anunsiyo ng opisyal umaga ng Huwebes. 

Aniya, una siyang nagpositibo sa antigen test noong Martes at agad naman siyang sumailalim sa RT-PCR test ng parehong araw. Huwebes ng umaga natanggap niya ang resulta na kumpirado ang kanyang positive test result. 

Paliwanag ni Marcos, nagpa-COVID-19 test siya dahil isang linggo nang nakararanas ng sipon at nawalan rin ng pang-amoy. Akala raw niya noong una ay side effect lang ng 1st dose ng COVID-19 vaccine na naiturok sa kaniya noong nakaraang Martes. 

Sa mensaheng ipinadala ni Marcos sa ABS-CBN News, sinabi nitong sa bahay siya nagpapagaling. 

Samantala umiiral ngayon ang critical zone lockdown sa Barangay Laguna sa bayan matapos magpositibo sa COVID-19 ang 12 sa 46 residente na sumailalim sa COVID-19 test doon. 

Nagsimula ang lockdown noong May 25 at tatagal hanggang June 7, na magbibigay-daan para sa malawakang contact tracing sa barangay. 

Ayon sa executive order na inilabas ng LGU, isinailalim sa test ang 46 residente sa Barangay Laguna dahil napag-alaman na taga-roon ang residenteng tinamaan ng UK variant na namatay noong Marso. Mayrooong 372 pamilya sa nasabing barangay. 

Magmula Mayo 25, may 58 active cases sa kabuuang 214 kaso ng COVID-19 sa bayan, base sa tala ng Oriental Mindoro Provincial Health Office. Dito, lima na ang namatay habang 150 ang gumaling na. 

— Ulat ni Andrew Bernardo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.