PatrolPH

9 sugatan sa magkahiwalay na aksidente sa Las Piñas, Maynila

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at May 27 2021 06:44 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Siyam ang sugatan sa magkahiwalay na aksidente sa Las Piñas at Maynila.

Wasak ang motorsiklo ng isang tricycle na sangkot sa banggaan sa Alabang Zapote Road sa Barangay Pamplona Uno, Las Piñas, Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa isang testigo, biglang lumabas mula sa isang gasolinahan ang tricycle at nabangga ng parating na kotse papuntang Cavite.

Nadamay naman ang parating na jeep patungong Alabang at tinamaan din ng tricycle ang kaliwang bahagi nito.

Sugatan ang isang pasahero ng jeep at ang tricycle driver na itinakbo sa ospital.

Sa paunang imbestigasyon, natiketan pa noong Linggo ang tricycle driver na si Renato Salvador, 60, dahil sa paglabag sa tricycle ban.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa banggaan.

Sa Maynila, pito ang sugatan sa banggaan ng tricycle at trak pasado alas-3 ng madaling araw nitong Huwebes.

Binabaybay ng trak ang San Marcelino Street nang salpukin ito ng tricycle galing UN Avenue.

Ayon sa drayber ng trak na si Rommel Manibag, naka-stop ang traffic light mula sa linya ng tricycle na mabilis din ang pagmamaneho.

Nasa 40 kph lang umano ang takbo ng trak.

Itinakbo sa ospital ang mga sakay ng tricycle na overloaded, ayon kay Michael Manuel ng Manila disaster risk reduction and management office.

Karamihan ay nagtamo ng fracture sa katawan dahil tumilapon ang tricycle sa lakas ng salpukan.

Paalala ni Manuel, isang pasahero at drayber lang ang dapat sakay ng tricycle ngayong may COVID-19 pero kahit walang pandemya, hindi dapat umabot ng pito ang sakay ng tricycle.

FROM THE ARCHIVES

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.