PatrolPH

2 lalaki patay matapos makipagbarilan sa HPG sa Caloocan

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at May 27 2021 06:54 AM

Watch more News on iWantTFC

Sa liblib na bahagi ng kalsada bumulagta ang 2 hindi pa kilalang lalaki 
matapos makipagbarilan umano sa mga tauhan ng Highway Patrol Group.

Napatay sila sa Mount Apo Drive, sa Nova Hills Subdivision sa Barangay Bagumbong, Caloocan bandang hatinggabi Huwebes.

Hindi nagbigay ng panayam ang mga tauhan ng HPG, pero base sa report nila nagsasagawa sila at ang Caloocan Substation 9 ng checkpoint para sa anti-carnapping at anti-criminality operation.

Pinahinto umano nila ang dalawang lalaking magka-angkas sa motorsiklo, pero hindi sila huminto.

Nagdere-deretso umano sila kaya nagkaroon ng habulan.

Dito na anila nagkaroon ng putukan na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang suspek.

Walang ibang witness dito para makumpirma ang pahayag ng HPG.

At dahil wala pang pagkakakilanlan, wala pa ring lumalapit na kaanak ng mga biktima. Iniimbestigahan na rin ng SOCO ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.