Sanggol na nagpositibo sa COVID-19 sa Bataan, gumaling na

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at May 27 2020 05:53 AM | Updated as of May 27 2020 06:20 AM

Nakarekober na ang sanggol mula sa Mariveles, Bataan na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) noong 17 days old pa lang ito.

Ayon sa Provincial Health Office ng Bataan, in-admit ang lalaking sanggol sa Bataan General Hospital and Medical Center (BGHMC).

Dahil hindi naman kritikal ang lagay ng bata, inilipat siya sa Mariveles Mental Hospital and Wellness Center para magpagaling.

Dalawang beses na siyang sumailalim sa COVID-19 test at pareho nang negatibo ang resulta.

Ayon kay Dr. Gerald Sebastian, Municipal Health Officer ng Mariveles, nakauwi na sa kanilang tahanan sa Barangay Mt. View ang bata na mag-iisang buwan na mula nang maipanganak sa BGHMC.

Hindi pa natutukoy kung paano siya nahawa sa sakit.

Sa bayan ng Mariveles, 11 kaso ng COVID-19 ang naitala kung saan 9 na ang nakarekober.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.