PatrolPH

Propesor sa Mindanao State University, patay sa pamamaril

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at May 27 2020 06:44 PM | Updated as of May 27 2020 11:45 PM

GENERAL SANTOS CITY (UPDATE) - Patay ang isang propesor ng Mindanao State University matapos pagbabarilin sa highway ng Barangay Apopong, General Santos City pasado ala-5 ng hapon nitong Martes.

Sugatan din ang kaniyang misis na nadaplisan ng bala sa kanang braso.

Kinilala ng mga pulis ang namatay na biktima na si Mohammad Taha Abdulgapor at misis nitong si Salina.

Ayon sa hepe ng Police Station 2 ng General Santos City Police na si Police Maj. Ananias Vasquez, mula sa unibersidad, sakay ng kotse ang mag-asawa na pauwi sa bayan ng Polomolok.

Posibleng nakasunod na umano ang naka-motorsiklong mga salarin bago paputukan ang sasakyan ng biktima.

Tinamaan ang windshield sa driver’s seat ng sasakyan at tinamaan sa ulo ang biktima.

Nakabangga pa ng isang tricycle ang sasakyan nang pumagilid ito, hanggang sa bumangga rin ito sa isang puno sa tabi ng kalsada.

Naitakbo pa siya sa pagamutan, pero namatay rin makalipas ang mahigit dalawang oras.

“May information na nakuha na land conflict-related. Pero ito ay magkakaroon pa tayo ng malalimang investigation kung yun talaga o may other motives pa,” ani Vasquez.

Nakarekober ang pulisya ng limang basiyo ng bala ng kalibre .45 sa crime scene.

Ipinagluluksa ng MSU ang pagkamatay ng 53-anyos na biktima na kilala na isang mabait at relihiyosong tao. Isa rin siyang peace advocate. Mahigit 10 taon siyang nagturo ng Islamic Studies sa unibersidad.

Mariing kinondena ng pamunuan ng MSU ang pamamaril kasabay ng panawagan nila ng hustisya.

Agad na inilibing sa bayan ng Polomolok ang biktima, alinsunod sa paniniwalang Islam.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.