PatrolPH

Pagsisimula ng anti-dengue campaign ipinanawagan sa Iloilo City

Jennifer Garcia, ABS-CBN News

Posted at May 27 2020 01:24 PM

Nanawagan noong Lunes ang isang konsehal mula Iloilo City na simulan na ang kampanya laban sa dengue sa lungsod bago pumasok ang tag-ulan.

Sa isang privilege speech sa pulong ng Sangguniang Panlungsod, sinabi ni city councilor Alan Zaldivar na nababahala siya matapos makapagtala ng 145 kaso ng dengue sa Iloilo City mula Enero hanggang Mayo 16 ngayong taon, kung saan isa ang binawian ng buhay.

Ngayong naka-community quarantine ang mga tao, mas marami na silang oras na maglinis ng kanilang bahay at bakuran para maiwasang pamahayan ng mga lamok ang mga naturang lugar, ayon kay Zaldivar.

Isinusulong din ni Zaldivar ang paghahanap at pagpuksa sa mga lugar na pinamumugaran ng mga lamok, at pagprotekta ng mga tao sa kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paggamit ng insect repellent.

Mainam din umanong magpakonsulta nang maaga kapag nakaranas ng mga sintomas ng dengue at suportahan ang fogging na pampuksa sa mga lamok.

Noong 2019, isinaillaim sa state of calamity ang Iloilo City matapos magdeklara ng dengue outbreak dahil sa dami ng kaso ng sakit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.