PatrolPH

Lolo, 4Ps beneficiary huli sa magkahiwalay na buy-bust sa Iligan City

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at May 27 2020 03:49 PM

ILIGAN CITY — Natimbog sa magkahiwalay na buy-bust operation ang isang lolo at isang benepisyaryo ng government subsidy program matapos nilang bentahan ng droga ang mga awtoridad noong Martes. 

Ayon sa pulisya sa Iligan City, unang naaresto ang 60-anyos na lalaking suspek matapos niyang bentahan ng 3 sachet ng hinihinalang shabu ang mga ahente ng pulis. 

Nagkakahalaga ito ng P100,000.

Sabi ng suspek, nakuha niya ang droga noong maluwag pa ang ipinatutupad na quarantine. 

"Iyang nakuha sa akin, nun pa yang di pa mahigpit (ang quarantine)," aniya.

Ngayon lang daw niya ito ibinenta lalo't mahina ang kanilang kita sa pagtitinda ng isda sa palengke.

Samantala, isa namang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiary ang nahuli rin sa buy-bust operations ng mga pulis sa Barangay Santa Felomina.

Nabilhan kasi siya ng mga pulis ng P500 halaga ng droga.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa dalawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.