Nagbabala ang Department of Justice sa mga lokal na opisyal na patuloy na tatanggi sa pag-uwi ng mga na-repatriate na overseas Filipino worker sa kanilang lokalidad.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, maaaring humarap ang mga lokal na opisyal sa reklamong paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act kapag tumanggi silang pauwiin ang mga na-repatriate na OFW na nakatapos na ng kanilang mandatory quarantine period.
"The president has already given instructions to all LGUs (local government units) to accept the returning 24,000 OFWs to their hometowns," ani Guevarra.
"If LGU officials continue to defy this directive, they may be held administratively and criminally liable for violations of the Bayanihan Act," dagdag niya.
Nauna nang inutusan ng pangulo ang mga LGU na tanggapin ang mga umuwing OFW dahil "constitutional right" nilang makabalik sa kanilang mga tahanan.
"It is the constitutional right of people to travel and go home. Do not impede it, do not obstruct the movement of people because you run the risk of getting sued criminally," sabi noon ng pangulo sa pulong ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease.
Nauna na ring sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na lahat ng OFW na pababalikin sa kanilang mga probinsiya ay negatibo para sa COVID-19.
Dagdag pa ni Guevarra ay inatasan na niya ang National Prosecution Service na bigyang prayoridad ang imbestigasyon sa mga kasong may kaugnayan sa Bayanihan Act at iba pang kautusang may kinalaman dito.
-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, Department of Justice, local government unit, OFW, overseas Filipino worker, returning OFW, Bayanihan to Heal As One Act, coronavirus update, coronavirus disease, coronavirus Philippines update