PatrolPH

Ilang punto ng mambabatas laban sa ABS-CBN sinagot ng law experts

Mike Navallo, ABS-CBN News

Posted at May 27 2020 06:07 PM | Updated as of May 27 2020 09:17 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Isa sa mga isyu na ipinunto ni SAGIP party-list Rep. at Deputy Speaker Rodante Marcoleta sa Kamara noong Martes laban sa ABS-CBN ay ang "limitasyon" umano sa tagal ng prangkisa nito, na dapat ay hanggang 50 taon lamang.

"Simula noong 1967 ay naging ABS-CBN na po [ito]... dahil sa merger ng ABS at CBN. Kung susumahin natin ang prangkisa nito simula noong 1967, ay 53 taon na itong gumagamit ng airwaves magpahanggang ngayon," ani Marcoleta sa joint committee hearing ng House committees on legislative franchises at good government and public accountability. 

Tinalakay ng 2 komite ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa 25-taong prangkisa para makapag-broadcast muli ang network. 

Si Marcoleta ang kumatawan sa mga kumokontra sa pagbibigay ng prangkisa sa Kapamilya network. 

Ang basehan ni Marcoleta ay ang Article XII, Section 11 ng 1987 Constitution na naglilimita sa 50 taon ang prangkisa ng isang public utility.
 
Pero paglilinaw ng isa sa mga nagbalangkas ng 1987 Constitution, maling probisyon ang ginamit ng kongresista.
 
Paliwanag ng abogadong si Christian Monsod, isa sa framers ng 1987 Constitution, hindi maituturing na public utility ang mass media dahil hindi ito kagaya ng tubig o kuryente na iisa lang ang pinayagan ng gobyernong magbigay ng serbisyo sa bawat lugar.
 
May tinatawag na monopoly kaya nirerendahan ito ng gobyerno.

"That section applies to a public utility and I don't think media is a public utility... In other words, pag dalawa sobra. Sayang ang investment. That's why kailangan ng regulation dyan. Dyan merong maximum na 50 years... Ang broadcasting, at least in the Philippines, there's no monopoly," ani Monsod. 
 
Di gaya ng kuryente at tubig, maraming pagpipilian pagdating sa mass media.
 
Kaya sabi ni Monsod, ang Article XVI, Section 11 ng Constitution ang dapat na tingnan na probisyon.
 
Ang sabi lang sa probisyon, dapat 100 porsiyentong Filipino-owned ang isang mass media company. At di gaya ng public utilities, bawal pa nga ang monopolyo sa commercial mass media.
 
Wala rin itong binabanggit kung ilang taon lang dapat tatagal ang isang mass media company.

Sagot naman ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez kay Marcoleta, 50 years ang pinakamatagal na bisa ng bawat prangkisa pero puwede itong i-renew.

"Every grant of franchise by Congress has a limit of 50 years. It is not cumulative. Congress can give 50 years in one instance and it can be extended for another 50 years and so on. However the practice is to give 25 years every instance or issuance. The Constitution is very clear," aniya.

Tanong naman ng mga tagasuporta ng ABS-CBN, bakit ang Kapamilya network lang ang iniisyuhan ng 50-year limit samantalang ang mga kakumpetensya nito, umabot na nang 70 taon at halos 60 taon sa himpapawid.

PANGHIHIMASOK SA ELEKSYON?
 

Watch more on iWantTFC

Samantala, kinontra rin ng isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) ang paratang ni Marcoleta na iniimpluwensiyahan ng ABS-CBN ang mga halalan.

Sa isang tweet, sinabi ni Comelec commissioner Rowena Guanzon na wala siyang naaalalang nagsampa ng kaso laban sa ABS-CBN ukol sa umano'y paglabag sa Omnibus Election Code.

"Violation of the Omnibus Election Code? I don't remember a complaint was filed against @ABSCBNNews," sabi ni Guanzon. 
    
Ito'y matapos pagbintangan ni Marcoleta ang ABS-CBN ng panghihimasok sa halalan noong 2010 at 2016.

Sa Lunes ay muling magkakaroon ng pagdinig ang Kamara para talakayin ang aplikasyon ng ABS-CBN sa prangkisa para makapag-ere muli at maprotektahan ang hanapbuhay ng 11,000 nitong manggagawa.

—May ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.