PatrolPH

Higit 1,200 pamilya sa bayan sa Maguindanao lumikas dahil sa pagsabog noong Linggo

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at May 27 2020 03:20 PM

DATU SAUDI AMPATUAN, Maguindanao — Mahigit sa 1,000 pamilya ang lumikas mula sa bayan na ito matapos ang nangyaring pagsabog sa lugar noong Linggo, kung saan namatay ang 2 batang magkapatid.

Pansamantalang namamalagi sa labas ng barangay hall ng Barangay Elian ang ilan sa mga pamilyang lumikas mula sa Barangay Kitango kung saan nangyari ang pagsabog.

Sabi ng mga residente, natakot sila noong marinig ang pagsabog kaya nagpasya silang lumayo muna sa lugar. 

Humihingi rin sila ng tulong dahil sa hirap ng kanilang sitwasyon.

Sa tala ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nasa 1,282 na mga pamilya ang lumikas dahil sa pagsabog.

"Nag-a-assess kami ngayon ng mga bakwit. Kasi mamaya o bukas magbibigay kami galing sa LGU. Nung isang araw nagbigay kami ng 500 packs sa Barangay Elian. Actually 'yung iba bumalik na pero kasi pag gabi, umaalis sila ng bahay. Karamihan, hindi pa nakabalik. Naninigurado lang sila. Takot lang talaga sila," ani Rohanna Salik mula sa MDRRMO. 

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente.

Napagkalooban na ng financial assistance ng Bangsamoro government ang pamilya ng nasawing magkapatid at ang mga nasugatan sa pagsabog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.