PatrolPH

DOH magpapatulong sa LGUs para mapunan ang shortage sa contact tracers

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at May 27 2020 03:20 PM | Updated as of May 27 2020 04:08 PM


MAYNILA — Inihayag ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkoles na nangangailangan ang gobyerno ng nasa 95,000 contact tracers o iyong magtutunton sa mga nakasalamuha ng isang pasyenteng nagpositibo sa COVID-19. 

Sabi ni DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire, para maging epektibo ang contact tracing, kailangan ang isang tracer sa kada 800 na populasyon. 

Kung susumahin, sabi ni Vergeire, aabot aniya sa higit 126,000 na tracers ang kailangan ng gobyerno. 

Sa ngayon, pag-amin niya, nasa higit 38,000 pa lang ang na-hire at marami pa ang kinakailangan. 

"Ito pong 95,000 na sinasabi kagaya ng sabi ninyo amin pong ihihingi ng tulong sa ating local government units para makahanap tayo nitong contract tracers," ani Vergeire.

Isinasapinal na ng DOH ang minimum qualifications para sa contact tracers para masimulan na ang hiring sa kanila. 

Magiging alinsunod rin aniya sa salary grade ng Civil Service Commission ang magiging suweldo. 

Nauna nang inamin ng DOH noong Lunes na kulang nga sila sa contact tracers, na isang mahalagang trabaho para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.