Davao region nasa 273 na ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19

ABS-CBN News

Posted at May 27 2020 01:22 AM

Pumalo na sa 273 ang kabuuang bilang ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Davao region, batay sa inilabas na ulat ng Department of Health (DOH) Region 11 nitong Martes.

Ang dagdag na 18 kaso ay mula sa Davao City habang dalawa pa ang mula sa Davao del Sur at Davao Occidental.

Umabot na sa 26 ang kabuuang bilang ng mga namatay na may kinalaman sa COVID-19 matapos magtala ng isang bago fatality sa Davao del Norte.

Isa naman ang naidagdag sa listahan ng gumaling sa sakit na pumalo na sa 128. 

Nangunguna ang lungsod ng Davao sa pinakamaraming kaso ng COVID-19 na may 249 na kaso.

"Marami tayong kino-consider. No. 1 na kino-consider natin kung itong ating ite-test are really symptomatic, close contact, mas greater chances kasi na nagpo-positive sila kung meron silang history of travel sa places na may mga COVID positive talaga or may close contact talaga sila," ani Dr. Lenny Joy Rivera, assistant regional director ng DOH-XI.

Nagpaalala rin si Davao City Mayor Sara Duterte sa publiko na iwasan ang mga hindi importanteng lakad, lalo na sa mga barangay na may mataas na kaso ng virus para hindi na kumalat pa.

Mahigpit pa rin ang mga awtoridad sa pagbabantay sa mga checkpoint. 

Samantala, sinabi naman sa virtual presser ng DOH, na sa 253 na kompirmadong kaso sa rehiyon nitong Mayo 25, 98 ay asymptomatic, 103 ang may mild symptoms, 12 ang critical at 40 ang severe cases.

“As of May 24 may total specimen na tayo na 6,151 na pino-process ng Southern Philippines Medical Center (SMPC) sa molecular lab nila with 5,685. Four-hundred-seventeen lang positive. Bakit ganoon karami? Kasi may ibang regions din ang mga specimen pino-process din nila for Davao region alone, individual lang ang i-count natin nasa 4,749 na katao na ang ating na-test," ani Rivera.

Kasalukuyang naka-admit sa SPMC ang 49 na nagpositibo sa sakit, samantalang nasa extended SPMC facility naman ang 67 iba pa. -- May ulat ni Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.