Cellphone, lupain sa Samar alok sa lolong naglakad mula Cavite hanggang Las Piñas

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at May 27 2020 06:49 AM | Updated as of May 27 2020 08:44 AM

Hindi pa man sigurado kung kailan siya makakauwi ng probinsya, sagana naman sa tulong na natanggap si Alberto Domingo, ang lolong naglakad mula Cavite hanggang Las Piñas. 

Kinukupkop siya ngayon ng mga tauhan ng Barangay Daniel Fajardo sa Las Piñas at pinagpapahinga sa barangay hall. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Matapos umere sa Kabayan sa TeleRadyo at sa TV Patrol ang kanyang istorya, maraming indibidwal sa Pilipinas at taga-ibang bansa ang nagpadala ng pera, pagkain, at damit para kay Lolo Alberto. 

Isa rito ang abogadong si Rogelio "Waray" Evasco, pangulo ng Evasco, Abinales & Coles Law Office sa Maynila. Nagpaabot siya ng P5,000 at pambili ng cellphone para kay lolo. 

Kuwento n'ya, naawa siya sa kababayan niyang taga-Samar. 

"Kawawa naman ang tao saka konting pera lang 'yun," aniya.

"Tama ang kanyang desisyon na umuwi siya kasi walang mangyayari sa kanya rito," dagdag pa nito.

May alok din siyang lupa sa Catarman, Samar na pinamimigay ng isa niyang kliyente na nasa Estados Unidos. 

Ayon naman sa staff ng Barangay Daniel Fajardo na si Archie Casimiro, nakipag-ugnayan din sa kanila ang tauhan ng National Housing Authority para magpasa ng aplikasyon si lolo Alberto sa "Balik-Probinsya" program.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.