BAGUIO CITY — Aprubado na ng konseho ng lungsod na ito ang ordinansang magpapataw ng parusa sa sino mang mapapatunayang umaalipusta sa isang COVID-19 frontliner at maging sa pasyente.
Para mapangalagaan ang frontliners at pasyente, inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod at nilagdaan na ng opisina ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang "Anti-Coronavirus Disease 2019 Discrimination Ordinance of 2020."
Ipinagbabawal ng ordinansa ang pagmamaliit sa confirmed, suspected at probable COVID-19 cases dahil sa kanilang health condition, at ang panglalait sa frontliners, healthcare o essential workers man.
Sakop nito maging mga nagtatrabaho sa grocery sa Baguio City.
Bawal din silang tanggihan sa accommodation at lodging.
Papatawan din ng parusa ang sino mang mananakit sa mga pasyente at frontliners.
Pati paglalahad sa social media ng mga pribadong impormasyon ng mga ito ay parurusahan sa ilalim ng ordinansa.
Nasa P3,000 hanggang P5,000 ang multa sa mga lalabag. Maaari rin silang makulong nang hanggang 6 buwan, depende sa bigat ng reklamo.
Ayon kay Baguio City Vice Mayor Faustino Olowan, maaaring dumulog sa pulisya ang mga mabibiktima ng diskriminasyon at pananakit.
"You have to file it before the prosecutor’s office or to the police. The police will file it before the prosecutor’s office. May mga witnesses. But there are times that there are no witnesses. Then, it would be the credibility of the private complainant, ganun yun," ani Olowan.
Ilang insidente na ng diskriminasyon laban sa mga nagtatrabaho sa ospital nitong panahon ng pandemya dulot ng COVID-19 ang naiulat sa ibang bahagi ng bansa.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.