Dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19), magbabago na rin ang paraan ng pagtuturo at pag-aaral ng mga estudyante sa darating na pasukan.
Muling iginiit ngayong Miyerkoles ng Department of Education (DepEd) na hindi papupuntahin ang mga estudyante at guro sa mismong paaralan kapag nag-umpisa na ang mga klase sa Agosto 24.
Sa panayam ng Teleradyo, ipinaliwanag ni Education Undersecretary Diosdado San Antonio na magpapatupad naman ang kanilang kagawaran ng iba't ibang paraan para maihatid sa mga estudyante ang kanilang mga lesson sa darating na school year.
Ayon kay San Antonio, depende sa situwasyong pangkulusugan ng isang lugar kung aling"learning delivery modality" ang ipatutupad ng mga paaralan doon.
DISTANCE LEARNING
Isa sa mga delivery mode ay ang distance learning, kung saan hindi pisikal na magkasama o magkaharap ang guro at estudyante.
Sa ilalim nito, maaaring matuto ang mga bata sa pamamagitan ng online platform, printed module na ibibigay ng paaralan, at lesson na mapapanood sa telebisyon o mapapakinggan sa radyo, paliwanag ni San Antonio.
LIMITADONG FACE-TO-FACE
Nariyan din ang face-to-face learning, kung saan magkakaroon ng pisikal na interaksiyon sa pagitan ng guro at estudyante, pero gagawin lamang ito sa mga lugar na ligtas, ani San Antonio.
Hindi na rin gaya ng dati umano ang magiging eksena ng face-to-face learning dahil lilimitahan na lang hanggang 20 mag-aaral sa isang silid-aralan.
"Kung pinapayagan man, sinasabi rin namin, limited numbers. Hindi iyong dating 40 ang nasa silid-aralan. Kailanganan maximum of 20 lang tayo," paliwanag ni San Antonio.
BLENDED LEARNING
Puwede ring mag-aral ang mga estudyante sa pamamagitan umano ng blended learning, na pinagsamang limitadong face-to-face learning at distance learning.
"Isang araw, dalawang araw nasa paaralan iyong mga bata tapos the rest of the week, dala-dala nila 'yong learning kits, self-learning modules para aralin ang mga bagay na ito sa mga bahay," ani San Antonio.
HOMESCHOOLING
Maaari ring matuto ang bata sa pamamagitan ng homeschooling, na dati nang ginagawa ng mga magulang na ayaw pag-aralin ang mga bata sa mga eskuwelahan, ani San Antonio.
Ayon sa education official, puwedeng pahintulutan ng DepEd ang pagbibigay ng homeschooling.
Muli ring nilinaw ni San Antonio na sa pagbabalik ng mga guro sa trabaho simula Hunyo 1, hindi kailangang pisikal na pumunta ang mga ito sa paaralan para maiwasan din ang banta ng COVID-19.
"Papayagan po natin ang home-based work din ng fellow teachers natin," aniya.
Sa pagbabalik-trabaho, sasailalim ang guro sa iba-ibang online seminar at training para matuto umano sila sa mga bagong paraan ng paghahatid ng lessons, ayon kay San Antonio.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Department of Education, DepEd, learning modalities, distance learning, face-to-face learning, blended learning, homeschooling, education, edukasyon, explainer, coronavirus education, coronavirus school opening