Aabot sa P200,000 halaga ng shabu, nasabat sa Zamboanga del Norte

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at May 27 2020 10:01 PM | Updated as of May 27 2020 10:25 PM

Aabot sa P200,000 na halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat sa isang buy-bust operation sa bayan ng Rizal, Zamboanga del Norte nitong Martes.

Nasamsam ito mula sa isang suspek na napagbilhan ng naturang kontrabando sa Barangay East Poblacion.

Sa imbestigasyon, matagal ng minamanmanan ng mga awtoridad ang suspek na pabalik-balik na sa lugar sa paghahatid ng droga.

Dati nang nakasuhan na may kinalaman sa droga ang suspek, na nakalabas lang dahil sa plea bargain.

“Ilang beses na siyang nahuhuli sa iligal na droga sa Dipolog City. Parang recidivist na nga dahil pabalik-balik na ‘yong kanyang kaso. Base sa information gathered ng ating informant, may binabagsakan siya dito sa area. May iniiwanan siya dito minsan siya mismo ang nakikipag-transact,” ani Police Capt. Ronald Alan Tingas, hepe ng Rizal Police Station.

Haharapin muli ng suspek ang kasong paglabag ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.