PatrolPH

Surge wall sa Leyte, di pa rin naitatayo kahit bilyon na ang gastos

Henry Omaga Diaz, ABS-CBN News

Posted at May 27 2019 08:23 PM

Watch more on iWantTFC

Sa baybayin ng Tacloban City at karatig-lugar itinatayo ang estrukturang tinatawag na surge wall. Proteksiyon sana ito ng mga taga-Leyte sakaling maulit ang malahiganteng storm surge nang dumaan ang bagyong Yolanda noong 2013.

May P8 bilyon ang inilaan na budget para sa nasa 30 kilometrong surge wall sa baybayin ng Leyte.

Makikitang sa maraming bahagi ay nangangalawang na ang mga bakal sa tagal na nakabinbin ang proyekto. Malalayo rin ang mga puwang ng itinatayong pader.

Base na rin sa mga bidding document mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), mula noong 2016, nagpa-bid ang kagawaran para sa 860 metro na haba ng surge wall sa bandang Palo, Leyte.

May budget ang surge wall sa Palo na higit P245 milyon at dapat sana ay tapos na, pero noong Enero ay nagpa-bid na naman ang DPWH sa parehong bahagi ng pader na nagkakahalaga namang P54 milyon.

Ganoon din ang nangyari sa Station 1 hanggang Station 2 na mahigit na isang kilometrong surge wall sa bahagi naman ng Tacloban, Leyte.

Noong 2017, nilaanan ito ng P258 milyon at dapat din sana ay tapos na, pero nitong Enero ay nilaanan ulit ito ng P107 milyon pondo.

Sa ngayon, may higit P4 bilyon ang nagagastos sa surge wall pero wala pang 10 kilometro sa target na 30 kilometro ang natatapos.

Katuwiran naman ng DPWH sa Leyte, ang problema sa right of way.

Nagdagdag din daw ang DPWH ng mga gawain na hindi nakasama sa mga naunang pondo.

Dapat din may mga kalye na gagawin sa tabi ng surge wall pero hindi pa rin ito nagagawa na dapat sana ay kasama sa budget.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.