'Pumatay sa 2 senior citizen sa QC posibleng kakilala ng mga biktima'

ABS-CBN News

Posted at May 27 2019 04:08 PM | Updated as of May 27 2019 08:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May person of interest na ang Quezon City Police District (QCPD) sa kaso ng pagpatay sa mag-asawang senior citizen sa Barangay San Agustin, Novaliches.

Ayon kay Police Lt. Elmer Monsalve, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, posibleng kakilala ng mga biktima ang salarin kaya sila pinatay.

Wala ring palatandaan na puwersahang pumasok sa bahay ang suspek, na posibleng sa pader sa likod dumaan, ani Monsalve.

Natagpuan noong hapon ng Linggo ng kanilang mga anak ang mga bangkay ng 86 anyos na lola at 87 anyos na lolo. Tadtad umano ang mga ito ng mga saksak.

Naisugod naman sa ospital ang sugatang kasambahay ng mag-asawa.

Narekober din sa pinangyarihan ng krimen ang pulang damit at shorts ng salarin na nagpalit umano ng damit bago tumakas.

Pagnanakaw ang isa sa mga sinisilip na motibo sa krimen.

Inaalam na ng pulisya at pamilya ng mga biktima kung ano ang mga nawalang gamit sa bahay.

Bina-backtrack na rin ng QCPD ang lahat ng mga CCTV ng mga kapitbahay para makita ang mga dinaanan ng salarin. --Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.