Pag-alis sa Filipino, panitikan sa kolehiyo muling iaapela

ABS-CBN News

Posted at May 27 2019 01:10 PM | Updated as of May 27 2019 01:19 PM

Maghahain ng ikalawang mosyon sa Korte Suprema ang grupong Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (Tanggol Wika) para tutulan ang pag-aalis ng Filipino at panitikan bilang mandatory subjects sa kolehiyo.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kasunod ito ng pagkatig ng kataas-taasang hukom sa Commission on Higher Education (CHED) Memorandum Order No. 20, na nagtatanggal sa mga nasabing asignatura bilang "core subjects" sa kolehiyo.

Sa panayam ng radyo DZMM, sinabi ni Tanggol Wika spokesperson David Michael San Juan na may negatibong epekto kung mawawala sa kolehiyo ang pag-aaral ng Filipino at panitikan.

Mas lalong dapat ayusin, aniya, ang pagtuturo ng 2 asignatura dahil sa pinakahuling resulta ng National Achievement Test, bagsak ang karamihan ng mga estudyante, ayon kay San Juan.

Nakasaad din aniya sa Saligang Batas na dapat isama ang pag-aaral ng wikang Filipino sa mga curriculum sa lahat ng antas.

"Madalas bihirang pagbigyan ang second motion for reconsideration pero kailangan nating gawin kasi papatayin ng korte mismo ang ating wikang Filipino at panitikan," sabi ni San Juan. 

"Malaki ang implikasyon nito sa klase ng matututuhan ng ating mga estudyante sa kakayahan nilang makipag-ugnayan sa mga kapwa Pilipino," dagdag ni San Juan. 

Ang grupong Tanggol Wika din ang umapela noong nakaraang taon sa desisyon na panigan ang CHED memorandum.

Abril 2015 nang pansamantalang ipatigil ng Korte Suprema ang CHED memorandum. Tinanggal noong Nobyembre ang temporary restraining order sa memorandum matapos ideklara ng korte na naaayon sa Saligang Batas o konstitusyonal ang K to 12 program.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.