NPA 'hitman' patay sa engkuwentro sa Laguna

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at May 27 2019 12:15 PM

MANILA - Patay ang isang hinihinalang miyembro ng New People's Army na idinadawit sa pagpaslang sa ilang pulis matapos makaengkuwentro ang mga awtoridad sa Alaminos, Laguna, Lunes ng umaga. 

Maghahain sana ang mga pulis ng warrant of arrest laban sa suspek na si Christopher Esabia sa Barangay Palma nang makipagbarilan ito, sabi ng chief intelligence officer ng Laguna police na si Maj. Ryan Orapa. 

Kabilang aniya sa mga hinihinalang pinatay ni Esabia si Col. Rodney Ramirez na noo'y hepe ng Batangas police intelligence; gayundin sina Patrolmen Oliver Ilagan at Christopher Tria sa Balayan, Batangas; at 2 iba pa sa San Pablo at Alaminos, Laguna.

Narekober ang ilang baril sa suspek na miyembro umano ng NPA "sparrow unit." 

Kilala rin umano siya sa alyas na Ka Botong at pangalang Christopher Salibo Castro. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.