Murder suspect, ama arestado sa Antipolo City

ABS-CBN News

Posted at May 27 2019 12:36 PM

Natimbog ng mga awtoridad sa Antipolo City ang isang lalaking dawit sa pagpatay, gayundin ang kaniyang ama na nagtangka umanong harangin ang mga umaarestong pulis.

Ayon sa ulat na inilabas ngayong Lunes ng National Capital Region Police Office (NCRPO), hinuli sa bisa ng warrant of arrest noong hapon ng Sabado ang murder suspect na si Timothy Tacuycuy, 21 anyos, sa loob ng kaniyang bahay sa Barangay San Jose.

Si Timothy ang sinasabing nakapatay sa isang lalaki sa Barangay Pitogo, Makati City noong Enero 1.

Matapos silang magkaroon ng pagtatalo, kumuha ng kutsilyo si Timothy at sinaksak ang biktima sa leeg, na naging sanhi ng pagkamatay nito, ayon sa ulat ng pulisya.

Sa gitna ng pag-aresto kay Timothy, isinara umano ng kaniyang amang si Constante, 53, ang gate at pinto ng bahay, at inutusan si Timothy na tumakas mula sa likod ng kanilang bahay, dahilan para hulihin din ang ama.

Nasa kustodiya ng NCRPO-Regional Special Operations Unit sina Timothy at Constante.

Mahaharap sa kasong obstruction of justice si Constante, sabi ng pulisya.

"Magsilbi sana itong babala sa mga tutulong sa mga kriminal na tumakas sa batas," sabi ni NCRPO director Police Maj. Gen. Guillermo Eleazar. 

--Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.