Mga guro mula Davao Region, topnotchers sa LET 2019

Kenneth Mangaya-Ay, ABS-CBN News

Posted at May 27 2019 08:08 PM

Kabilang ang mga bagong guro mula Davao Region sa mga nakakuha ng pinakamatataas na marka sa katatapos lamang na Licensure Examination for Teachers (LET) ngayong taon.

Nanguna si Stephanie Apple Piodo sa mga kumuha ng Licensure Examination for Teachers 2019 sa elementary level. Photo courtesy of Stephanie Apple Piodo.

Nanguna sa examination para sa elementary level si Stephanie Apple Piodo mula sa Compostela Valley State College.

Matapos grumaduate sa kolehiyo, nag-volunteer sa isang maliit na paaralan sa bayan ng Montevista si Piodo.

Hindi naging madali ang pinagdaanan ni Piodo upang makapag-review. Nakipagsapalaran siya sa Davao City upang maghanap ng trabaho para may pangtustos sa review.

Plano ni Piodo na bumalik sa Montevista upang makapagturo sa mga mag-aaral sa malalayong lugar.

Sa secondary level naman, nanguna si Honey Gracielle Baclayo na isang scholar ng Department of Science and Technology (DOST) sa University of Mindanao-Davao City.

Nanguna si Honey Gracielle Baclayo sa mga kumuha ng Licensure Examination for Teachers 2019 sa secondary level. Photo courtesy of Honey Gracielle Baclayo.

Nadismaya umano si Baclayo nang hindi siya naging summa cum laude sa kolehiyo kaya isang taon niyang pinaghandaan ang board exam at hinamon ang sarili na manguna.

Halos 19 oras ang inilalaan ni Baclato sa pag-aaral araw-araw. Nagtrabaho rin siya bilang staff ng review center para makapag-review ng libre.

Nais ni Baclayo na maiahon ang pamilya sa hirap.

Pangako ng mga board passers mula Davao Region na magturo sa mga malalayong paaralan kung saan higit na kinakailangan ang kanilang serbisyo.