Koleksiyon ng isang kumpanya, tinangay sa Isabela

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at May 27 2019 08:31 PM

SANTIAGO CITY, Isabela — Papasok na sa kanto sa Barangay Mabini, Santiago City ang dalawang empleyado ng isang courier company nang tambangan umano sila ng dalawang armadong lalaki noong Biyernes ng gabi.

Agad nagdeklara ang mga salarin ng holdap at wala na umanong nagawa ang mga biktima nang sapilitang kunin sa kanila ang bag na naglalaman ng pera.

“Sapilitang kinuha sa kanila 'yung bag na naglalaman ng more or less P620,000 na collection ng kanilang opisina,” paliwanag ni Police Captain Romel Cancejo na deputy commander ng Santiago City Police Station 1.

Mabilis na tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo.

Tumanggi ang mga biktima na magpa-interview. Hindi rin nagkomento ang kanilang area manager na aminado sa naging kapabayaan ng mga empleyado.

“Ayon sa area manager nila, violation iyung pag-uwi ng ganung halaga,” dagdag ni Cancejo.

Sinampahan na ng reklamong robbery ang isa sa mga suspek na itinuturong nangholdap din sa empleyado ng nasabing courier company sa Solano, Nueva Vizcaya noong nakaraang buwan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.