Boy helper na dawit sa pagpatay sa negosyante tinutugis

ABS-CBN News

Posted at May 27 2019 06:32 PM | Updated as of May 27 2019 07:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang isang lalaking idinadawit sa pagpatay sa amo niyang babaeng negosyante sa Pila, Laguna.

Kinilala ng Pila police ang suspek bilang si John Mark Dave Carolino, 21 anyos na 2 buwang namasukan bilang boy helper ng 51 anyos na biktimang Alma Alarcos.

Natagpuang patay noong umaga ng Huwebes si Alarcos sa quarters ni Carolino.

Hinampas ng tubo sa ulo at sinakal ang biktima, ayon sa pulisya.

Nawawala rin ang higit P400,000 na 5 araw na benta ng biktima bilang dealer ng softdrinks pati ang kaniyang mga alahas at 2 cellphone.

Sa imbestigasyon ng pulisya, Mayo 3 nang magpaalam ang suspek na magbabakayson pero noong araw na mangyari ang krimen ay nagsabi si Carolino na babalik para kuhanin ang naiwang gamit.

Ayaw na raw siyang tanggapin ng biktima dahil hindi umano sila magkasundo sa hinihinging umento sa sahod ng suspek.

Wala na rin ang mga gamit ng suspek nang matuklasan ang krimen.

May mga testigo raw na nakakita kay Carolino na sumakay ng traysikel na ginagamit pang-deliver ng softdrinks, ani Police Capt. Jean Alagos, hepe ng Pila police.

Narekober ang traysikel 2 barangay ang layo sa bahay ng biktima. Kasama ring natagpuan ang face mask na madalas daw isuot ng suspek.

Malapit sa pinangyarihan ng krimen nahanap ang ginamit na tubo at face towel na pag-aari ng suspek na ipinambalot sa tubo.

May mga record na umano ng pagnanakaw si Carolino sa kanilang barangay sa Bolinao, Pangasinan.

Nag-alok ng P50,000 pabuya ang pamilya ng biktima sa makapagtuturo sa kinaroroonan ng suspek para maaresto ito.

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.