31 bahay nasunog sa Tagum City

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at May 27 2019 09:44 AM

TAGUM CITY- Nasunog ang 31 bahay sa Purok 8B, Curvada, Barangay Magdum dito Linggo ng gabi.

Inabot sa 2 oras ang pag-aapula ng sunog dahil nahirapan ang mga bumbero na makalapit sa lugar dahil maliit ang mga eskinitang dadaanan.

"Medyo mahirap, kasi malayo. Mga 10 hose ang nilatag namin bago dumating sa fire scene," ayon kay FO2 Rommel Valencia, imbestigador ng sunog.

Sa inisyal na imbestisayon ng Bureau of Fire Protection lumalabas na isang napabayaang niluluto ang sanhi ng sunog.

Itinanggi naman ito ng anak ng may-ari ng bahay na tinuturong pinagmulan ng sunog. Wala umano silang niluluto nang sumiklab ang sunog.

Aabot sa halos P1.5 milyon ang pinsalang dulot ng sunog. Wala namang naiulat na sugatan sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.