2 naaktuhan umano sa pag-deliver ng shabu timbog sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at May 27 2019 03:31 PM | Updated as of May 27 2019 08:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto ng pulisya ang 2 lalaki dahil sa umano ay pagde-deliver ng shabu sa Sampaloc, Maynila.

Ayon kay Police Capt. Edwin Fuggan, naaktuhan ng mga pulis noong gabi ng Sabado ang 2 suspek na nag-aabot ng shabu sa kanto ng Pureza at San Jose.

Tinangka ng 2 suspek na tumakas sakay ng motorsiklo at hinabol sila ng 4 motorsiklong sakay ng mga pulis mula Pureza hanggang Ramon Magsaysay Boulevard.

Naabutan ng mga awtoridad ang mga suspek nang sumemplang ang kanilang motorsiklo sa gutter.

Nagtamo ng mga sugat sa binti at tuhod ang mga suspek na nakuhanan ng 3 sachet ng shabu.

Ayon pa kay Fuggan, isang buwan na nilang binabantayan ang umano ay bentahan ng shabu sa lugar.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Inaalam na rin ng mga pulis ang pinagkukuhanan ng mga suspek ng shabu.

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.