Libo-libong motorcycle riders nakilahok sa 'Unity Ride'

ABS-CBN News

Posted at May 27 2018 01:36 PM

MAYNILA - “Hindi kami kriminal.”

Ito ang sigaw ng libo-libong riders na nakilahok sa isang Unity Ride ngayong Linggo para ipahayag ang kanilang saloobin sa masamang imahen ng mga nagmomotorsiklo.

Marami sa mga balita ukol sa krimen na umeere sa telebisyon o radyo ay madalas kinasasangkutan ng mga salaring magka-angkas sa motorsiklo.

Pero ayon kay Rod Cruz, presidente ng grupong Arangkada National Alliance, handa silang mga riders na tumulong sa pulisya para magbantay sa mga lansangan.

“Willing kami tumulong to be part of citizen crime watch. Paano kami makakatulong if we are branded as criminals? Bakit di mangyari na pagkatiwalaan din kami?” aniya.

Hinihikayat din ng riders ang gobyerno na magpasa ng batas para maprotektahan ang motorcycle riders, at para na rin magkaroon ng mga polisiya at sistema para sa kanilang concerns.

Ipinapanukala rin ng riders na payagan ang ride-hailing apps para sa mga motorsiklo. Ayon kay Cruz, maraming commuters ang makikinabang dito lalo na pag mabigat ang trapiko.

Dalawang mambabatas na umano ang nilapitan ng grupo ukol sa kanilang isinusulong na Unified Motorcycle Law. Umaasa silang mapagbibigyan ang kanilang hiling.

Ang Unity Ride ay inorganisa ng iba't ibang alyansa ng riders na nagkakausap-usap sa Facebook groups. Mula People Power Monument, tumungo sila sa Mendiola para sa kanilang programa.

Libo-libong motorcycle riders mula Bacolod at Negros Occidental ang nakiisa sa Unity Ride. Marty Go, ABS-CBN News

May riders sa probinsiya ang nakiisa at nagsagawa ng sarili nilang bersiyon ng Unity Ride. Sa Bacolod City, mga riders mula sa 76 motorcycle clubs ang nakilahok.

Diskriminasyon rin ang inaaray ng rider na si Orville Villaflor, provincial coordinator ng Motorcycles Rights Organization. Aniya malaking tulong kung maipapasa ang isinusulong nilang batas.--ulat nina Kevin Manalo at Marty Go, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.