Lalaki, natagpuang palutang-lutang sa karagatan ng Samal Island

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at May 27 2018 11:31 PM

ISLAND GARDEN CITY OF SAMAL - Nailigtas ng isang grupo ang isang lalaking palutang-lutang sa karagatan sa bahagi ng Babak, Island Garden City of Samal Linggo ng umaga.

Maliligo sana sa Vanishing Island ang grupo ni Diana Villanos nang makita nila ang lalaking kumakaway sa kanila.

Dinala agad ng grupo ang lalaki sa Babak Police Station. Kinilala ang lalaki na si Marc Glenn Undayon, 24 taong gulang at taga Prosperidad, Agusan del Sur.

Kuwento umano ni Undayon, may mga hindi kilalang lalaki na humabol at nagtangkang bugbugin siya kaya tumalon siya sa dagat sa Panacan, Davao City kung saan siya nagtatrabaho.

Dalawang oras umano siyang nagpalutang-lutang sa dagat bago siya natagpuan ng grupo ni Villanos.

Alas-11 ng umaga ay sinundo si Undayon ng kanyang mga magulang mula pa sa Agusan del Sur.

Malaki ang pasasalamat ng pamilya Undayon sa pagkakasagip ng grupo ni Villanos.

Matapos ang insidente ay umuwi agad ang pamilya Undayon sa Prosperidad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.