Mga Muslim sa Bikol, ipinagdasal ang Marawi

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at May 27 2017 02:54 PM

TABACO CITY – Sa simula ng Ramadan ngayong taon, sabay-sabay na nanalangin ang Muslim community dito para sa kapayapaan sa Mindanao.

Karamihan sa mga Muslim sa Barangay Pawa ay may naiwang pamilya sa Marawi City, pero nagsilikas na umano ang mga ito dahil sa hindi pa matigil na labanan doon sa pagitan ng puwersa ng gobyerno at mga grupo ng Maute at Abu Sayyaf.

Ayon sa presidente ng Muslim community na si Khalil Amerol, nasasaktan sila ngayon sa nangyayari sa Marawi. Nawa'y ngayong Ramadan, mabuksan umano ang isip at puso ng kapwa nila Muslim, at mapalayo sila sa paggawa ng masama lalo na sa pagpatay, na mahigpit na ipinagbabawal sa kanilang pananampalataya.

Samantala, wala naman daw umanong masama kung nagkaroon ng deklarasyon ng martial law sa Mindanao, basta't huwag lang itong aabusuhin.

Hiling nila na hindi madamay sa karahasan ang mga inosenteng tao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.