Hindi makuhang maternity benefit, inaksiyunan

ABS-CBN News

Posted at May 27 2017 05:46 PM | Updated as of May 27 2017 07:44 PM

Nagreklamo ang isang empleyado dahil pahirapan daw bago naibigay ang kanyang maternity benefits kahit regular namang nakakaltasan ng kontribusyon sa Social Security System
(SSS) ang kaniyang sahod.

Beauty ambassador ng ABS Promotions si Jessica Orido at regular ang kaltas sa kanyang sweldo bilang kontribusyon sa SSS pero nang mabuntis hanggang sa makapanganak, pahirapan daw ang pagkuha ng maternity benefit.

Huli siyang nag-check ng benepisyo noong April 21, 2017.

“Wala pa ring laman, walang naka-file. Ang kulit ko raw, kasi dapat daw hintayin ko na lang dumating ang tseke. Paano ko hihintayin ang tseke e wala nga pong naka-file?” ani Orido.

Ayon sa abogado ng ABS Promotions na si Atty. Darwin Santos, naka-post na ang 2016 contribution ni Orido batay sa print out na ipinakita rin sa kaniya.

Nahuli rin aniya sa pagpasa ng kinakailangang dokumento si Orido kaya hindi maiproseso ng ahensiya ang kaniyang maternity benefit.

Paliwanag naman ni SSS Media Affairs Department Manager Maria Luisa Sebastian, totoong kumpleto sa hulog ang kumpanya.

Ngunit, hindi pa nagbibigay ang kumpanya sa SSS ng listahan kung saan nakatala ang halaga ng bawat hulog nito sa kanilang mga empleyado.

Samantala, nitong Mayo 3, inilabas na ng ABS Promotions ang P20,000 na tseke ni Orido pero kulang pa ito ng P5,000 batay sa estimang ibinigay ng SSS.

Nangako ang ABS Promotions na ibibigay nila ito kapag naibalik na sa kanila ng SSS ang kabuuang halaga ng claim ni Orido.

Muli namang pinaalala ng SSS na ang maternity benefit ay dapat inaabonohan ng kumpanya.

"Kasi dapat naman po talaga ang ating maternity benefit pati po ang ating sickness benefit ina-advance 'yan ng employer. 'Yan ay nire-reimburse ng SSS doon po sa ating employer," ayon kay Sebastian.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.