'Chop-chop' victim, nahukay sa San Mateo, Rizal

ABS-CBN News

Posted at May 27 2017 03:25 PM

Nahukay ang 'chop-chop' na bangkay sa isang compound sa San Mateo, Rizal.

Natagpuan sa isang hukay sa Brgy. Ampid Dos sa San Mateo, Rizal ang mga bahagi ng katawan ng isang tao.

Natunton ng pulisya ang hukay matapos pumunta ang isang lalaki sa tanggapan ng San Mateo Police sa Rizal noong April 5, 2017. 

Sa salaysay ng impormante, mayroong isang kahina-hinalang drum sa bakuran malapit sa kanilang lugar.

"May nakita siya na hinihinala niyang bangkay sa loob ng drum," kuwento ni PO3 Reynante Buenaventura ng San Mateo Police. 

"Masangsang po ang amoy, nilalangaw. Sa tingin niya, hindi ordinaryong hayop ang nandoon sa drum, kaya siya nagduda na ito'y bangkay ng isang tao."

Dagdag pa ng impormante, maliban sa drum ay mayroon ding hukay na may anim hanggang pitong talampakan ang lalim.

Dahil sa mga nakalap na impormasyon, tumungo ang grupo ng San Mateo Police sa Brgy. Ampid Dos. 

Pagdating sa compound, natukoy na pribado ang lugar na itinuro. 

Bumalik naman ang pulisya na may dalang search warrant matapos ang anim na araw.

Pagpasok ng mga awtoridad sa bakuran, kinumpirma nilang naroon ang drum ngunit wala itong laman.

Sinimulan na rin nilang suriin ang katabing hukay. Matapos ang isang oras na paghuhukay, natagpuan nila ang malalaking piraso ng namuong putik. Pero sa katunayan, ito pala'y mga bahagi ng katawan ng isang tao. 

Kasabay ng imbestigasyon ng San Mateo Police ang labis na pag-aalala ng amang si Michael Masinsin. Ilang araw na kasing nawawala ang 19 anyos niyang anak na si Lyndon.

Kuwento ni Michael, nakatanggap siya ng isang text mula sa number ni Lyndon.

"'[Pasensya] na, napagtripan ako ng pulis. Nagtatago muna ako.' Sabi ko, 'Sinong pulis? Umuwi ka nga o tawagan mo ako,'" kuwento ni Michael. "Tinatawagan ko siya. Hindi siya sumasagot."

Sino ang bangkay na nagtagpuan sa bakuran sa Rizal? Nasaan naman si Lyndon? Subaybayan ang detalyadong imbestigasyon sa krimeng ito sa #SOCO ngayong Sabado, 4 p.m. pagkatapos ng Ipaglaban Mo! sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.