Barangay chair, patay sa pamamaril sa Maynila

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at May 27 2017 09:30 AM

MANILA -- Patay ang isang barangay chairman matapos pagbabarilin sa loob ng kanyang bahay sa Malate, Biyernes ng gabi.

Naisugod pa ng kanyang mga kamag-anak sa ospital si Angelito Sarmiento, chairman ng Barangay 751, Malate pero binawian din ng buhay bandang 10:45 ng gabi.

Ayon kay Arellano Police Community Precinct Commander, Chief Inspector Paul Sabulao, pasado alas-9:30 kagabi nang pasukin ng apat na armadong lalaki ang bahay ni Sarmiento.

Nanonood lang ng telebisyon noon ang biktima nang pagbabarilin siya ng mga salarin.

Kasama ni Sarmiento ang kanyang asawa, pero hindi naman siya sinaktan ng mga salarin, na agad tumakas matapos ang krimen.

Ayon sa mga pulis, kasama umano sa drug watchlist ng Manila Police District ang napatay na kapitan, at sumama na raw ito sa Oplan Tokhang noong Hulyo.

Kanilang sinusuri kung maaaring kunektado sa droga ang pagkamatay ni Sarmiento, at kung ano ang motibo ng mga salarin.

Bukod sa umanong pagkakasangkot sa droga, posibleng away-pulitika rin umano ang motibo sa pagpatay, ayon sa kanyang mga kamag-anak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.