41 estudyanteng naipit sa giyera sa Marawi, nakauwi na sa Caraga

Rodge Cultura, ABS-CBN News

Posted at May 27 2017 07:40 PM

Dumating na sa Caraga ang ilang estudyante ng Mindanao State University na sinagip ng mga tauhan ng Search and Rescue Agusan del Sur. Rodge Cultura, ABS-CBN News

BUTUAN CITY – Dumating na sa Caraga Sabado ng hapon ang may 41 estudyante ng Mindanao State University (MSU) mula sa mga campus sa Marawi at Iligan.

Sinundo ng mga tauhan ng Search and Rescue Agusan del Sur ang mga estudyante sa utos ng lokal na pamahalaan ng probinsya.

Marami sa mga estudyante ang natakot noon na lumabas sa kanilang eskwelahan dahil sa patuloy na bakbakan ng Maute Group at Abu Sayyaf, at mga tropa ng pamahalaan sa Marawi City.

Nagumpisa ang labanan noong Martes.

Kwento ni Bryan Jay Porcadilla, third year student ng MSU Marawi, dinig nila ang palitan ng putok mula sa kanilang campus. Natakot umano sila na lumabas sa eskwelahan at baka madamay sa engkwentro ng sundalo at mga militante. Kita din umano nila mula sa eskwelahan ang apoy sa mga sinusunog na eskwelahan, simbahan at ibang gusali na kagagawan ng mga militante. 

Marami sa mga estudyante sa MSU Marawi ang ilang araw nang naipit sa eskwelahan nang sumalakay ang mga armado sa siyudad noong Martes.

Ayon naman kay Florencio Cuario III, isang fourth year student, malaki ang kanyang pasasalamat at nakauwi siya ng ligtas. Natatakot umano siya at baka mamatay sa gutom kung hindi man tamaan ng bala sa nagaganap na engkwentro. 

Bago ang rescue, kinakapos na umano sila sa pagkain at hindi makalabas sa eskwelahan dahil sa nagaganap na bakbakan sa Marawi.

Sa ika-29 ng Hunyo na umano sana ang kanilang graduation ceremony at tinatapos na lang ni Cuario ang kanyang thesis. Pero pinili niya munang umuwi habang hindi pa tuluyang humuhupa ang labanan.

Ayon kay Roberto Natividad ng Agusan del Sur Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, isasailalim sa stress debriefing sa kani-kanilang munisipyo ang mga pinauwi na estudyante.

Maliban sa lokal na pamahalaan ng Agusan del Sur, nagpapadala din ng rescue teams ang probinsya ng Surigao del Norte, Agusan del Sur, Surigao de Sur, at Butuan para pansamantalang makauwi ang mga naiipit na estudyante habang hindi pa nareresolba ang kaguluhan sa Marawi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.