PatrolPH

Opisyal umano ng rebeldeng grupo huli sa Bulacan

Jeff Caparas, ABS-CBN News

Posted at May 26 2023 09:32 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police ang isang high ranking official umano ng isang rebeldeng grupo, sa San Jose Del Monte, Bulacan, Huwebes ng gabi.

May arrest warrant laban sa 78-anyos na babaeng hinuli para sa kasong arson, multiple murder at frustrated murder na inisyu ng mga korte sa Samar noong 1990, 2003 at 2012, sabi ng mga opisyal.

Tiklo rin ang kaniyang 74-anyos na asawa nang isagawa ang operasyon sa kanilang bahay sa Barangay Minuyan dahil nahulihan umano ito ng baril.

Itinanggi niyang sa kaniya ang baril at hindi umano sila ang hinahanap ng awtoridad.

Ayon sa CIDG, may patong sa kaniyang ulo na P5.2 million ang hinuling babae.

“Ako, kwan yung bag ko, nilagyan ng baril. Wala naman akong baril eh. Matatanda na kami... Siya, may warrant daw pero ‘di pangalan niya. Ako, wala akong warrant pero hinuhuli daw ako dahil may baril ako, baril na nilagay sa bag ko... Baka lang napagkamalan kami," sabi ng hinuling lalaki.

Nang tanungin ang babae hinggil sa pagiging bahagi umano niya sa New People's Army, sinabi niyang, “Di ko alam.”

Ayon kay Police Maj. Mae Anne Cunanan, tagapagsalita ng CIDG, isa umanong bookkeeper ng communist terrorist group ang babae, habang pinaghihinalaang may katungkulan rin sa grupo ang lalaki.

Para kay Cunanan, "alibi" lamang ng mga hinuling suspek ang kanilang naging mga pahayag.

Aniya, matagal na nilang sinundan ang mga suspek at mismong mga dating kasamahan umano nila sa grupo ang nagkumpirma ng pagkakaugnay nila sa rebeldeng grupo.

Narekober sa bahay ng mga suspek ang mga baril, mga pamplet ng rebeldeng grupo, laptop, cellphone, SIM cards at mga explosive components.

Sa custodial facility ng Anti-Organized Crime ng CIDG sa Camp Crame dinala ang mga suspek.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.