PatrolPH

Duterte-Carpio balak makipagpulong kay Robredo

ABS-CBN News

Posted at May 26 2022 06:20 PM

LUBAO, Pampanga — Sinabi ni Vice President-elect Sara Duterte-Carpio ngayong Huwebes na nais niyang makipagpulong sa kaniyang papalitang si Bise President Leni Robredo. 

“Tatapusin muna po namin 'yung transition namin with the Office of the Vice President, so we are set to release a letter today or tomorrow to Vice President Leni Robredo signed by me requesting for an initial meeting,” sabi Duterte-Carpio sa mga mamamahayag sa bayang ito. 

Aniya, kabilang sa kaniyang mga plano para sa Office of the Vice President ang pagpapalawig ng "Magnegosyo 'Ta Day," isang entrepreneurial project para sa mga kababaihan na kaniyang sinimulan bilang alkalde ng Davao City. 

Magsisilbi rin si Duterte-Carpio bilang education secretary sa papasok na administrasyon.

Tatalakayin umano niya kay President-elect Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. kung aling education programs sa ilalim ng kaniyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte ang nais nitong ipagpatuloy. 

Dagdag ni Duterte-Carpio, handa siyang makipagtulungan sa mga kaalyado o naging katunggali noong nakalipas na halalan. 

“Hindi lang political opponents — everyone, I'm calling on all Filipinos to help the new administration and to help me, in my work as vice president and secretary of education,” sabi niya. 

Binanggit ni Duterte-Carpio ang kaniyang mga plano nang dumalo siya sa oath-taking ni dating presidente Gloria Macapagal-Arroyo bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng probinsya ng Pampanga. 

Nanumpa si Arroyo sa kaniyang tungkulin sa harap ng punong barangay ng San Nicolas 1st sa Lubao na si Rodel Borgueta. 

—ulat ni Gracie Rutao 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.