MAYNILA - Hindi na nakasama sa mga tinalakay sa pagpapatuloy ng hybrid session ng Senado ang committee report number 646 ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa patungkol sa online o e-sabong.
Sa schedule ng Senado, nasa huli dapat ng agenda ang sponsorship bill ni Dela Rosa kaugnay ng naging resulta ng kanilang imbestigasyon sa kontrobersiyal na pagkawala ng mahigit 30 sabungero o mananaya sa e-sabong.
Bago mag-7 ng gabi, nag-adjourn na rin ang sesyon ng Senado.
Karamihan sa mga natalakay na panukalang batas ay pawang mga local bills.
Kabilang dito ang panukalang pag-amyenda ni Sen. Christopher “Bong” Go sa House Bill No. 10242 at House Bill No. 8197.
Layon ng naturang mga panukala na i-convert ang Gov. Celestino Gallares Memorial Hospital sa Tagbilaran, Bohol sa Gov. Celestino Gallares Multi-Specialty Medical Complex at ang pagtataas ng bed capacity ng Dr. Serapio B. Montaner Jr. Memorial Hospital sa Malabang, Lanao del Norte.
Samantala, ipinanukala naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang pagpapawalang bisa sa prangkisa ng isang electric cooperative sa halip na bawasan ang sakop na franchise area nito sa Davao del Norte.
Ginawa ni Drilon ang naturang suhestiyon sa gitna ng interpellation kay
Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa House Bill No. 10554 o ang panukalang batas na magpapalawig sa Franchise Area ng Davao Light and Power Company o DLPC sa Davao del Norte.
"Maybe it would be better to revoke the franchise of NORDECO to avoid legal complications that would arise with the existence of two franchises in the same franchise area,” ani Drilon.
Si Sen. Ramon "Bong" Revilla Jr., isinulong naman ang pag-amyenda sa Senate Bill No. 2504 o National Music Competitions for Young Artists o NAMCYA Act.
Layon nito na magkaroon ng music competition bilang National Youth Development Program sa larangan ng musika. Ani Revilla, ito ay para palakasin pa ang NAMCYA at paunlarin ang musical heritage ng bansa.
Aprubado na ito sa ikalawang pagbasa sa Senado.
Muling itutuloy ang sesyon ng Senado sa Lunes ng hapon.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.