PatrolPH

Hustisya hiling ng mga naulila sa trahedya sa MV Mercraft 2

ABS-CBN News

Posted at May 26 2022 06:17 PM

POLILIO ISLAND, Quezon - Hindi inaasahan ng magkapatid na Mel at Monito Leonor na ang pangarap nilang magkakapatid na reunion ay mangyayari dahil sa isang trahedya. 

Mula sa Maynila, umuwi ang dalawa sa Barangay Pilion sa islang ito nang masawi ang ate nilang si Edna Balanac dahil sa pagkasunog ng sinasakyang MV Mercraft 2 noong Lunes.

“Hindi ko talaga matanggap na wala na. Napakahirap. Kanina, pagdating ko, ginigising ko si ate. 'Ate, gumising ka. Ayaw kong ganyan ka, Ate. Mahal na mahal kita'," ani Leonor. 

Sumakay ng Mercraft 2 si Balanac kasama ang ilang kabarangay para sana magpa-check up sa Infanta dahil sa madalas na nararamdamang ubo. 

Kaya sobrang sakit para sa kaniyang mister na si Leonardo na bangkay nang mauuwi ang kaniyang asawa. 

“Mahal na mahal ko po ang asawa ko. Hindi ko na po siya nakausap. Hindi ko po maisip kung makakaya ko ito dahil pagkagaling ko sa trabaho, wala na ako dadatnan. Magkaroon lamang po ng hustisya," ani Leonardo . 

Taong 2017 nang lumubog sa Infanta sa Quezon ang Mercraft 3 na pagmamay-ari ng Mercraft Shipping. Dito, lima ang namatay at lima rin ang nawawala. 

Kasama sa nawawala hanggang ngayon si Alexander Bulilan na 60 anyos nang mangyari ang trahedya.

Sa pagkasunog noong ng MV Mercraft 2, tila nagbalik ang sakit na naramdaman ni Tarsing Bulilan sa pagkawala ng asawang si Alexander. 

“Tatay, kung buhay ka, sana umuwi ka na lang. Hinihintay ka namin hanggang ngayon. Hindi pa po ako nakakalimot. Wala pang nagbabago sa akin," ani Tarsing. 

Hanggang ngayon, hindi pa gumugulong ang kaso na isinampa nila laban sa pamunuan ng Mercraft Shipping. 

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.