PatrolPH

2 bahay nasunog sa Quezon City

Jose Carretero, ABS-CBN News

Posted at May 26 2022 11:29 PM

MAYNILA - Nasunog ang dalawang bahay sa kasagsagan ng ulan sa Barangay Santa Teresita sa Quezon City bandang alas-8 Huwebes ng gabi.

Ayon kay Fire Inspector Alex Maglaya, station commander ng Agham Fire Station, nagmula ang sunog sa isang sasakyan na nakagarahe.

"Nag-start yung sunog, unang tawag sa amin vehicular fire, pagdating ng field responder namin eh yung bahay gawa sa light material tsaka may naka storage na mga karton kaya medyo natagalan yung sunog natin medyo inabot tayo ng isang oras mahigit," ani Fire Inspector Maglaya.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog. Alas-9:12 na nang ideneklarang fire out ito.

Bukod sa gawa sa light materials nagpatagal din sa pag-apula sa apoy ang mga nakatambak na karton sa loob ng bahay.

"Bale sa nakastored na karton sa loob kasi mausok siya tsaka patong-patong bale yung salansang niya talagang dikit na dikit sila dun sa loob," dagdag pa ni Maglaya.

Mga cord at wire ng antenna ang laman ng mga kahon, ayon sa Bureau of Fire Protection.

Inaalam pa ng BFP kung ano ang dahilan ng sunog sa sasakyan.

"Inaalam pa ng imbestigador natin ngayon kung an po yung pinagmulan ng sunog sa sasakyan," ani Maglaya.

Aabot sa kalahating milyon ang naitalang pinsala ng sunog, ayon sa BFP.

Wala namang naiulat na nasaktan.

Tumangi namang magbigay ng pahayag ang dalawang pamilya na apektado ng sunog.

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.