PatrolPH

Nasa 1,000 pamilya sa Angeles City hinatiran ng bigas, mga de-lata

ABS-CBN News

Posted at May 26 2021 08:05 PM

Nasa 1,000 pamilya sa Angeles City hinatiran ng bigas, mga de-lata 1

Bukas na ulit ang beauty parlor na pinagtatrabahuhan ng 45 anyos na si Margorie Labyana sa Barangay Pulung Cacutud sa Angeles City, Pampanga.

Pero hindi pa rin umano regular ang pasok dahil limitado pa rin ang mga kostumer.

"Ang pasok ko minsan sa isang linggo dalawang beses lang. Kapag minalas-malas, 1 hanggang 2 lang nagpapalinis," ani Labyana.

Anim ang anak na pawang binubuhay pa ni Labyana at ng kaniyang mister, na bihira lang din ang pasok bilang construction worker.

Kaya para may extra na kita, tumatanggap si Margorie ng home service ng manicure at pedicure.

Sa paglalako ng isda naman umaasa ang mag-asawang Teresita at Ricardo de Guzman na residente rin ng Barangay Pulung Cacutud.

May kaniya-kaniya nang pamilya ang kanilang 4 na anak kaya kahit pareho nang senior citizen at delikado sa labas ngayong may COVID-19, pilit kumakayod ang mag-asawa para sa kanilang pantustos.

Para mapagkasya ang budget sa iba pang bayarin, ume-extra pang labandera si Teresita.

"Kahit pambayad lang ng ilaw," ani Teresita.

Dinalhan ng Pantawid ng Pag-ibig ng ABS-CBN ng mga bigas at de-lata ang nasa 1,000 pamilya ng barangay, na muling naghigpit dahil sa mga kaso ng COVID-19.

Mayroon ding mga laruang binigay para mapaglibangan ng mga bata.

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.