MARAWI CITY — Maaga pa lang, pumila na ang mag-asawa na sina Taher at Camida Haran sa libreng bakuna sa siyudad.
Pareho silang senior citizen at higit isang taon nang nangamba para sa isa’t isa dahil sa banta ng COVID-19.
Naturukan si Camida, pero ang mister ay pina-checkup muna dahil inuubo na sanhi umano ng kanyang hika.
Umabot na sa 1,040 ang pangkalahatang bilang ng COVID-19 cases sa Marawi, 58 dito ang aktibong kaso.
Ayon sa City Health office, 2 porsiyento pa lang ang nababakunahan sa 70 porsiyentong target nilang populasyon ng Marawi.
Bukod sa mga senior citizen, nakatutok ang lokal na pamahalaan sa pagbabakuna sa mga nasa temporary shelters kung saan libo-libong mga internally displaced persons mula sa 2017 Marawi siege ang naninihiran.
Isa rin sa mga hamon sa vaccination drive sa Marawi ay ang tanong ng marami kung halal ba o pinapayagan base sa relihiyon ang mga sangkap na nasa sa bakuna.
Suportado ng National Commission on Muslim Filipinos ang rollout ng bakuna base na rin sa pahayag ng Pfizer, AstraZeneca at Moderna na wala silang ginamit na gelatin o pork product sa kanilang bakuna.
Sa huling bilang ng LGU, nasa 1,839 na ang nababakunahan sa Marawi pero mas kailangan nila ng dagdag na bakuna lalo't mga frontliners pa lang halos ang natuturukan.
Plano naman ng lokal na pamahalaan na ituloy ang information campaign sa Marawi para mas maliwanagan at mahiyakat ang marami na magpabakuna.
Patuloy ang rehabilitasyon ng Marawi, kung saan maraming kabahayan ang nawasak at tinatayang 120,000 residente ang kinailangang lumikas dahil sa 5-buwang bakbakan sa pagitan ng gobyerno at teroristang Maute group nooong 2017.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, Marawi, Marawi City, COVID-19, Marawi siege, bakuna, vaccine, Muslim, Islam, halal, vaccination Marawi