Border control checkpoints sa Iloilo City nagdulot ng mabigat na trapiko

ABS-CBN News

Posted at May 26 2021 12:03 PM

Border control checkpoints sa Iloilo City nagdulot ng mabigat na trapiko 1
Nagdulot ng pagbigat ng daloy ng trapiko ang pagpapatupad ng border control checkpoint sa mga lugar papasok ng Iloilo City. Contributed photo

ILOILO CITY - Bumper to bumper ang daloy ng sasakyan sa unang araw ng pagpapatupad ng border control checkpoints sa mga lugar na papasok sa Iloilo City, Miyerkoles ng umaga, dahil sa pagpapatupad ng mas mahigpit na quarantine laban sa COVID-19.

Isa-isang sinisiyasat ng awtoridad at hinihingan ng ID ang mga motoristang papasok sa lungsod matapos ilabas ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas ang isang Executive Order para sa border controls at pagpapasara sa mga non-essential business. 

Ito’y kasunod ng paglalagay sa buong Iloilo City sa ilalim ng modified enhanced community quarantine simula Mayo 23 hanggang Mayo 31.

Nasa 10 border control checkpoints ang inilagay ng lokal na pamahalaan sa mga lugar papasok sa lungsod na binabantayan ng mga pulis.


Pinahihintulutan lamang na makapasok sa lungsod ang mga authorized persons outside residence o APOR at mga nagtatrabaho sa mga essential establishment.

Pwede ring makapasok ang may medikal na pangangailangan at mga food delivery.

Ayon kay Treñas, ang paglagay ng border control checkpoints ay kasunod ng paglobo ng kaso ng COVID-19 sa lugar. Isa rin aniya ito sa mga paraan para makontrol ang pagkalat ng virus.

Base sa datos mula sa Iloilo City Task Force on COVID-19 at City Health Office, nasa 78 na bagong kaso ang naitala sa lungsod nitong Martes habang higit 1,000 naman ang active infections.

- Ulat ni Rolen Escaniel