PatrolPH

ALAMIN: Pagkakaiba ng herd immunity, containment, population protection

ABS-CBN News

Posted at May 26 2021 06:25 PM | Updated as of May 26 2021 06:52 PM

ALAMIN: Pagkakaiba ng herd immunity, containment, population protection 1
Pagbabakuna laban sa COVID-19 sa isang sinehan sa Taguig City noong Mayo 25, 2021. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Maaantala ang dating sa Pilipinas ng 1.3 milyon dose ng Sputnik V at 2.2 milyon dose ng Pfizer vaccines na inasahan ngayong Mayo.

"Wala na po tayong darating na bakuna up to the end of May," ani Health Undersecretary Myrna Cabotaje.

Pero sinabi ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 na ide-deliver din ang naantalang shipment sa susunod na buwan, kung kailan inaasahang darating din ang higit 10 milyong dose ng bakuna.

Sa gitna ng mga isyu sa supply, target na ngayon ng gobyernong maabot ang "population protection," ani Cabotaje.

Pero ano nga ba ang pagkakaiba ng population protection sa mga naunang target na herd immunity at containment?

Ayon kay Dr. Rontgene Solante, miyembro ng vaccine expert panel, 70 hanggang 80 porsiyento ng populasyon ang kailangang magkaroon ng proteksiyon laban sa COVID-19 para maabot ang herd immunity.

"Meaning nabakunahan mo yung proportion ng population to the point na ‘yung hindi nabakunahan, they will not get the disease, because you stopped the transmission," paliwanag ni Solante.

Mas kaunti naman umano ang kailangang bakunahan para maabot ang "containment," na nasa 45 porsiyento hanggang kalahati ng populasyon.

Pero hindi tulad sa herd immunity, puwede pa ring mahawahan ng COVID-19 ang mga walang bakuna.

"Ang impact niyan is bababa ‘yung kaso mo, pero continuous pa rin. You still have the infection. So nagsusuot ka pa rin ng mask, physical distance, until such time na maitaas natin ang protection, because what we want is really the herd protection," ani Solante.

Sa "population protection" naman, target bakunahan ang mga miyembro ng populasyong mas mataas ang posibilidad na mahawa ng COVID-19 at magkaroon ng malalang sintomas.

Watch more on iWantTFC

Sa Pilipinas, kasama rito ang health workers, senior citizens, at mga may comorbidity, na ayon kay vaccine czar Carlito Galvez ay nasa 25 milyon.

"When you vaccinate this, the benefit here is you will lessen the number of people getting into the hospital, because you are now giving protection to the highly vulnerable population that can easily develop severe infection when they get COVID," ani Solante.

Ipinaliwanag rin ni Cabotaje ang paggamit ng "population protection" sa halip na "herd immunity".

"Kasi po ‘yong ating herd immunity, marami pong mga kaakibat na criteria. We are considering the variants, we are considering the regular definition of the herd immunity na magkakaroon ka ng protection, ng full protection na tuloy- tuloy. Kasi ngayon, hindi pa natin alam kung kailangan ng booster shots at saka ‘yong mga ibang bakuna ay naa-address ba ‘yong ating variants," ani Cabotaje.

Nilinaw ng Department of Health (DOH) at NTF na target pa ring mabakunahan kontra COVID-19 ang 70 milyong Pilipino ngayong taon para maabot ang herd immunity kung darating lahat ng inaasahang supply ng bakuna.

"Alam na naman natin, may konting problema ngayon sa merkado, because of the surge in cases in India... Medyo ni-refocus natin ito," ani Cabotaje.

"Umaasa tayo na 'yong dagsa ng supply na ‘yan ay mangyayari sa 3rd quarter. Pagpasok ng 3rd quarter, kung saka-sakaling 'yong 15 to 20 million ay makuha natin at mapablis 'yong ating pagbabakuna, at least 'yong minimum number na 50 million ay kaya natin maabot," ayon naman kay NTF spokesperson Restituto Padilla.

Sa tala nitong Martes, higit 1 milyong Pilipino pa lang ang fully vaccinated habang halos 3.5 milyon ang nakatanggap ng first dose.

-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.