PatrolPH

31 mangingisda na nasagip sa West PH Sea naiuwi na sa Occidental Mindoro

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at May 26 2021 11:08 AM

Nakabalik na sa San Jose, Occidental Mindoro nitong Miyerkoles ang 31 mangingisdang Pinoy na sakay ng bangkang pangisdang SG Pauleene na lumubog sa karagatan malapit sa Reed Bank sa West Philippine Sea noong Sabado ng gabi.

Ayon sa Philippine Coast Guard batay sa kuwento ng mga nakaligtas na mangingisda, Sabado ng alas-6 ng gabi nang lumubog ang bangkang pangisda matapos umanong mabutas ang unahang bahagi nang bumangga sila sa troso na lumulutang.

Makalipas ang ilang oras, nasagip ang mga mangingisda ng isa pang bangkang pangisda na taga-Batangas.

Itinurn over ang mga nakaligtas sa BRP Emilio Jacinto ng Philippine Navy na naghatid sa mga mangingisda pauwi sa San Jose, Occidental Mindoro kung saan naghihintay ang kanilang mga pamilya at lokal na pamahalaan.

Ayon naman kay San Jose Municipal Disaster Risk Reduction Management Office head Gil Gendrano, agad na sinuri ng mga doktor ang mga mangingisda pagdating sa pier at isinailalim sa stress debriefing.

KAUGNAY NA BALITA

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.