Trabaho naghihintay para sa mga uuwing OFWs: Palasyo

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at May 26 2020 05:16 PM

MAYNILA — Tiniyak ni Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Martes na hindi pababayan ng gobyerno ang mga umuwing OFW na wala nang trabaho ngayon.

Aniya, bibigyan sila ng trabaho sa ilalim ng "Build Build Build" projects ng pamahalaan gayong tuloy naman ang mga ito kahit may umiiral na community quarantine.

"Magkakaroon po tayo ng job fair especially targeting the OFWs dahil kailangan po natin sila, ngayong nandito na sila sa bayan natin at kulang na kulang po talaga ang mga construction workers dahil marami ang nagsipag-abroad na," ani Roque.

Sabi rin ni Roque, may binibigay ring ayuda ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa kanila habang ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay nadagdagan rin ang pondo para sa mga programa nila.

Maging ang Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) ay may mga programa na aniya para makapagsimula ang mga OFW ng mga negosyo.

Matatandaang sinabi ni Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na inaasahang papalo sa 300,000 na mga Pilipino ang uuwi ng bansa bago matapos ang taon.

Ito'y sa gitna ng patuloy na pagkalat ng COVID-19 sa buong mundo, na hanggang sa ngayon ay hindi pa nahahanapan ng lunas o bakuna.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.